Inaasahan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na marinig ang mga ‘pro poor programs’ na ilalatag ni Pangulong Ferdindand R. Marcos Jr. sa magiging ikalawang State of the Nation Address (SONA) nito sa July 24.
Binigyang diin ni Go ang kahalagahan na matiyak na walang maiiwang Pilipino sa proseso ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Nais aniyang marinig ng senador ang mga dagdag na plano ng Punong Ehekutibo para mas lalong maisakatupran ang ‘inclusive’ at ‘full economic recovery’ mula sa COVID-19 pandemic.
Kabilang rin aniyang dapat na pagtuunan ng pansin ang isyu ng food security at ang pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.
Suportado rin ni Go ang Philippine Development Plan ng administrasyon o ang eight-point agenda na layong makamit ang food security, pagandahin ang supply chain management, bawasan ang energy costs at ipreserba ang energy security gayundin ang mabawasan ang vulnerability ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
“Pro poor programs po ang gusto kong marinig sa SONA ng ating Pangulo at dapat wala pong mahuli, walang maiwanan po towards our economic recovery. Napakaimportante po tyan laman po ng tyan ng ating mga kababayan. Wala po dapat magutom. Trabaho po at suportado ko po ang ating Pangulo sa mga plano nya yung Philippine Development Plan basta ito po ay makakatulong sa pag-ahon ng ating bansa mula sa COVID 19 pandemic” — Sen. Bong Go. | ulat ni Nimfa Asuncion