Nagpaabot ng kanilang pasasalamat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga grupong MANIBELA gayundin sa Pinagkaisang Samahan ng Tusper at Operators Nationwie (PISTON).
Ito ay makaraang tapusin na ng mga nasabing grupo ngayong araw ang dapat sana ay isang linggong tigil-pasada, bilang pagtutol sa planong modernisasyon sa hanay ng pampublikong transportasyon ng pamahalaan.
Ayon kay NCRPO Director, Police Major General Edgar Allan Okubo, nauunawaan naman niya ang sentimyento o saloobin ng mga tsuper at operator kaya’t ipinagpapasalamat niya ang naging pasya ng mga ito na magbalik biyahe na.
Kasunod nito, nagpasalamat din si Okubo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology, at mga lokal na pamahalaan sa kanilang pag-alalay sa mga kababayan sa pamamagitan ng Libreng Sakay.
Batay sa datos ng NCRPO, nakapagtala sila ng 4,000 mga stranded na pasahero na naserbisyuhan ng ikinasang Libreng Sakay sa loob ng dalawang araw na transport strike sa buong Kamaynilaan. | ulat ni Jaymark Dagala