Siniguro ng pamahalaan na may mekanismo na umiiral at nagmo-monitor sa investment pledges na naiuuwi ng Philippine delegation sa bawat biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ibang bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, siniguro ni DTI Secretary Alfredo Pascual na tinitiyak ng kanilang hanay ang transparency at accountability, at patuloy nilang ini-evaluate ang progreso ng investment leads na una nang ipinangako sa Pilipinas.
Aminado ang kalihim na mayroong leads ang matagal mag-materialize, kaya’t sila sa pamahalaan, puspusan na ang pagkayod para sa pagsulong ng mga pamumuhunang ito, at upang matugunan ang mga usapin o hadlang sa pagsasakatuparan ng mga ito.
“As you may note, with EO #18, we were able to get the president’s support or approval for creating green lanes at national agencies, as well as local government units. And there will also be a one-stop action center in the Board of Investments for our prospective investors that are classified as bringing strategic investments.” —Secretary Pascual.
Base sa pinakahuling datos, mula sa investment pledges na naiuwi ng Pangulo sa foreign trips, $88.4 million US dollars dito ay naisakatuparan na.
“It’s not so large as yet, but the potential is as we announced before, we have a pipeline that we were able to build up amounting to around US$ 70 billion.” —Secretary Pascual. | ulat ni Racquel Bayan