Umabot na sa kabuuang 4,088,718 na Pilipino sa Rehiyon 1 ang matagumpay na nakakumpleto ng Step 2 Philsys registration hanggang Hulyo 10, 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA)-Regional Statistical Services Office I (RSSO I).
Iniulat ni Camille Carla Beltran, chief administrative officer ng PSA-RSSO 1 na karamihan sa kabuuang PhilSys registrants sa rehiyon ay mula sa Pangasinan na may 2,413,710 registrants. Sinundan ito ng La Union na may 641,737; Ilocos Sur na may 568,471; at Ilocos Norte na may 464,800.
May kabuuang 2,206,912 physical national ID card ang naihatid na sa buong rehiyon.
Sa lalawigan ng Pangasinan, 1,155,468 Philsys ID ang nai-deliver; 438,889 sa La Union; 362,290 sa Ilocos Sur; at kabuuang 250,265 sa Ilocos Norte.
Samantala, 1,612,300 electronic PhilID (ePhilIDs) ang kabuuang naiisyu ng PSA-RSSO1. Sa bilang na ito, 993,206 ang inisyu sa Pangasinan, 307,530 sa Ilocos Norte, 167,112 sa La Union at 144,452 sa Ilocos Sur.
Dagdag pa ni Beltran, walang bayad ang pagpapalit ng nawala o nasira na Philsys ID dahil sa natural na kalamidad.| ulat ni Albert Caoile| RP1 Agoo