Isinusulong ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na itaas ang sinisingil na corporate at franchise tax sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ito ay kasunod ng impormasyon tungkol sa mataas na kita ng NGCP pero hindi naman maisaayos ang serbisyong ibinibigay sa taumbayan.
Ipinagtataka ni Poe na habang napakataas ng corporate income tax na sinisingil sa ibang mga korporasyon, ang NGCP naman ay may exemption sa binabayaran at ipinapasa pa ang franchise tax sa mga konsyumer.
Iginiit ng senadora na ngayong naghahanap ng paraan para magkaroon ng dagdag na pondo ang gobyerno ay malaking tulong kung makakakolekta ng dagdag na buwis mula sa korporasyon.
Gayunman, aminado ang mambabatas na ito ay kinakailangan munang pag-aralang mabuti dahil kailangan ding balansehin ang ‘pros and cons’ nito.
Aminado rin si Poe na ang rekomendasyon niyang ito ay bunga ng kanyang ‘frustration’ sa serbisyo ng NGCP. | ulat ni Nimfa Asuncion