Hinigpitan pa ng Quezon City government ang proseso nito sa pagkuha ng Persons with Disability (PWD) Identification Card.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, nagpapatupad na ngayon ang Persons with Disability Affairs Office (QC PDAO) ng mas mahigpit na verification processes para matukoy ang mga lehitimong PWDs at maalis ang mga indibidwal na namemeke lamang ng dokumento para makasama sa listahan.
“The improper use of PWD IDs to obtain discounts, by individuals who are not legitimate PWDs is completely unacceptable. To address this issue, we have implemented an automated registration system which makes the process more efficient and secure,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Sa ilalim ng bagong PWD ID registration system na maa-access sa online portal QC E-Services, ang mga aplikante ay kailangang magsumite ng proof of disability. Sa pamamagitan ng automated process, mawawala na ang in-person transactions, na pinagmumulan ng fixers.
Una nang nagsagawa ng crackdown ang QC LGU na nagresulta sa malaking tapyas sa bilang ng PWD ID holders sa lungsod.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang hakbang ng pamahalaang lungsod para maisulong ang accessibility initiatives sa sektor kabilang ang planong pag-install ng karagdagang ramps sa sidewalks at mga gusali gaya ng city hall.
Hinihikayat rin ang mga pribadong establisyimento na sumunod sa minimum requirements sa Accessibility Law o Batas Pambansa Blg. 344. | ulat ni Merry Ann Bastasa