Sinimulan na rin ng Department of Agriculture (DA) ang magpatupad ng water management strategies bilang bahagi ng adaptation at mitigation efforts nito sa nakaambang epekto ng El Niño phenomenon sa agri-sector.
Kabilang sa itinutulak ng DA ang paghikayat sa mga food producer na kolektahin ang tubig ulan para magamit sa hinaharap.
Bukod dito, pinalalawak na rin ng kagawaran ang ilang water management projects nito kabilang ang pagsasaayos ng irrigation canals at iba pang small scale irrigation projects.
Isinusulong rin nito ang paggamit ng Alternate Wetting and Drying (AWD) technology, na mas tipid sa paggamit ng tubig.
Ilan pa sa nakalinyang proyekto ang pagpapalit ng mga unserviceable pump at engine sets.
“These are just some of the measures that the government has been doing early on to prevent production losses due to the dry spells that El Niño entails,” ani DA National El Niño Team (DA-NENT) Chairperson U-Nichols Manalo.
Kaugnay nito, patuloy namang nakikipagtulungan ang DA sa iba pang ahensya ng pamahalaan para mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño lalo na sa produksyon ng mga pananim.
“We are constantly coordinating with different bureaus and agencies under DA so we can come up with a unified strategy to help our food producers improve production and increase income event during the possible drought,” pahayag ni Manalo. | ulat ni Merry Ann Bastasa