Gaya nitong nakalipas na dalawang araw, walang ipatutupad na scheduled daily water interruptions sa ilang lugar sa Metro Manila ngayong weekend, Hulyo 15 at 16.
Sa abiso ng Maynilad Water Services, magtutuloy-tuloy ang kanilang serbisyo sa bahagi ng Caloocan, Malabon, Manila, Valenzuela, Navotas at Quezon City.
Paliwanag ng water concessionaire, nakatulong umano ang malakas na pag-ulan dala ng bagyong Dodong sa Ipo watershed area.
Dahil dito, naiibsan ang impact ng mas mababang water allocation mula sa Angat Dam.
Base sa huling reading ng PAGASA sa water level ng ilang dam sa Luzon, bahagyang nadagdagan ang water elevation dahil sa mga pag-ulan.
Una nang inanunsyo ng Maynilad ang pagpapatupad ng water interruption sa nasabing mga lugar simula Hulyo 12, bilang bahagi ng pagtitipid dahil sa El Niño. | ulat ni Rey Ferrer