Mas paiigitingin ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking-XI (IACAT-XI) ang kanilang adbokasiya sa buong Davao Region laban sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Sa isang press conference, sinabi ni IACAT-XI Chairperson Regional Prosecutor Janet Grace Dalisay-Fabrero na pinalalakas nila ang nasabing kampanya dahil halos karamihan ng kabataan ngayon ay nakatutok na sa internet bilang bahagi na araw-araw na gawain lalo na sa pag-aaral.
Ayon kay Fabrero, pumupunta sila sa mga probinsya sa rehiyon upang magsagawa ng awareness campaign laban sa mga pang-aabuso sa kabataan sa online.
Ipinunto ng opisyal na namataan ang biglaang paglitaw ng nasabing kaso sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, may walong active cases ng OSAEC sa Davao Region kung saan gumugulong na ang kaso nito sa korte.
Dagdag ni Fabrero na hindi lang pang-aabuso online nakatutok ang IACAT-XI kundi pati na rin sa pagsugpo ng child abuse and sexual material. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao