Mahigit isang buwan nang nagpapakita ng abnormalidad ang Bulkang Mayon. Sa patuloy na pamamaga nito ay siya ring pagdaloy ng lava flow.
Hindi pa rin naibababa ang alert status ng bulkan dahil sa pagpapakita nitong mataas na tiyansa ng pagputok.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng mas maraming bilang ng rockfall events na aabot sa 270 at siyam na bilang ng volcanic earthquake. Nagkaroon rin ito ng tatlong pyroclastic density current events at paglabas ng 2,989 toneladang sulfur dioxide.
Nauna na ngang nagbigay pahayag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi nila matukoy gamit ang mga parameters kung ibaba o itataas ang alert status ng nasabing bulkan dahil sa pabago-bagong kondisyon nito.
Kabilang sa mga tinitingnan ng PHIVOLCS ay ang patuloy na pamamaga ng bulkan, nagaganap na lava flow at lava infusion, pagtaas ng sulfur dioxide emission, volcanic quakes at mataas na bilang ng rockfall events at PDC. | ulat ni Garry Carillo | RP1 Albay