Sa hangaring muling suriin, i-realign at muling ituon ang learner-related initiatives para mas makatugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
Magsasagawa ang Department of Education (DepEd) ng Learners’ Convergence o LearnCon PH 2023 mula July 29 hanggang August 3 sa Lungsod ng Marikina.
Sa naturang summit, ilulunsad ang mga serbisyo ng DepEd alinsunod sa MATATAG Agenda ng Kagawaran, partikular na ang pangako nitong pangalagaang mabuti ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kapakanan ng mga ito, inklusibong edukasyon, at isang positibong kapaligiran sa pag-aaral.
Isasagawa sa convergence ang thematic learning sessions, upang mag-alok ng makabuluhang oportunidad para matutunan ng mga mag-aaral ang kanilang papel sa nation-building at magbigay ng isang ligtas na espasyo para sa pagbuo ng isang network ng mga indibidwal na interesado rin sa pamumuno, pamamahala, at pakikipag-ugnayan sa sibiko.
Dadaluhan ang conference ng mga piling high school learner, youth leaders at formators, at education stakeholders mula sa 228 schools division offices sa National Capital Region. | ulat ni Diane Lear