Nasa 90% ng mga guest na pinadalhan ng imbitasyon para sa SONA ang tumugon na.
Ito ang update na ibinahagi ni House Sec. Gen. Reginald Velasco sa House Media, matapos ang huling interagency meeting para sa SONA 2023.
Ilan aniya sa mga VIP na nagsabi na dadalo sina Vice President Sara Duterte, dating Pang. Erap Estrada at dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Katunayan, pinili ani CGMA na sa VIP section umupo.
Wala pa naman kumpirmasyon mula kay dating Pang. Rodrigo Duterte kung makakadalo ito sa SONA.
Nasa 2000 upuan ang inihanda ng Kamara para sa mga bisitang dadalo sa SONA.
Ang 1,700 dito ay sa loob ng plenary hall at tig-150 sa overflow room na Romualdez Hall at Women Legislators Hall.| ulat ni Kathleen Jean Forbes