Ilan pang mambabatas ang nagpahayag ng papuri sa maagap na paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund Act.
Ayon kay Quezon Representative Reynan Arrogancia, ang MIF ang magsisilbing daan para maisakatuparan ang brand of leadership at governance ng administrasyon na Bagong Pilipinas.
Ilalatag din aniya nito ang isang masagana at matatag na kinabukasan para sa bansa dahil sa magbubukas ito ng mga bagong oportunidad para sa paglago at pag-unlad ng iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya, lalo na para sa kanayunan.
“MIF will be a great addition to foreign direct investments. FDIs are investments that actually happen on the ground, build businesses, grow the environment for other businesses whether downstream, upstream, and lateral enterprises, and most importantly, create jobs,” ani Arrogancia.
Inaasahan naman ni Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred Delos Santos na lalo pang darami ang infrastructure projects sa bansa dahil sa MIF na hindi na umaasa sa Public-Private Partnership (PPP) o Official Development Assistance (ODA).
Pagtitiyak naman nito na kanilang babantayan sa Kongreso na maipatutupad at pamamahalaan ng tama ang kauna-unahang sovereign fund ng bansa upang tunay na mapakinabangan ng mga Pilipino.
“We in Congress will do our part to ensure the proper policies and mechanisms are in place to ensure that these funds are utilized in a fair, transparent, and accountable manner. Infrastructure projects will be implemented with utmost efficiency, addressing the needs and development of our people,” pahayag ni Delos Santos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes