Kontento si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa isyu sa West Philippine Sea.
Partikular na tinukoy ni Zubiri ang pagpapadala ng mga dagdag na mga barko ng Philippine Navy at Coast Guard sa naturang bahagi ng teritoryo ng bansa.
Paliwanag ng Senate leader, ang hakbang na ito ng gobyerno ay nagpapakita lang na nagkakaisa silang protektahan ang maritime territory ng Pilipinas.
Bukod dito ay nadagdagan rin aniya ang military training ng ating pwersa.
Sa panig naman ng lehislatura, nangako si Zubiri na dadagdagan ng Senado ang pondo para sa Sandatahang Lakas sa susunod na taon.
Kabilang aniya sa isusulong ng mambabatas ang dagdag na pondo para sa Pagasa Island para mapaganda ang mga pasilidad doon.
Nakikipag-usap na rin aniya siya sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para matukoy kung paano sila makakatulong sa bahagi ng Ayungin Shoal, kung saan naroroon ang BRP Sierra Madre.
Maging si Senate Committee on Finance Chair Senador Sonny Angara ay nagbigay na rin aniya ng commitment para sa dagdag na pondo para sa AFP sa ilalim ng tatalakaying 2024 National Budget Bill. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion