Hinikayat ng isang mambabatas ang mga local government unit (LGU), na magtatag ng kanilang sariling green lanes upang makahikayat ng mga mamumuhunan.
Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, pagtalima ito sa Executive Order no. 18 o pagtatalaga ng green lanes para sa strategic investment sa government services.
Ang hakbang na ito ay upang maisulong ang Pilipinas bilang investment destination.
Sa pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI), nasa $88 million na halaga ng investment ang nasungkit ng Chief Executive mula sa kaniyang mga international trip.
Ani Villafuerte, mas makakapanghikayat ng investors ang lokalidad kung mapapabilis ang pagproseso ng requirement ng mga nais na magnegosyo sa kanilang lugar.
Tinukoy nito ang isang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na dito sa Pilipinas ay tumatagal ng hanggang tatlong taon bago makumpleto ang requirements sa pagnenegosyo.
Mas matagal kumapara sa tatlong araw hanggang dalawang linggong proseso sa Vietnam, Thailand, at Indonesia.
Napapanahon din aniya ang pagkakaroon ng green lanes sa mga LGU ngayong ganap nang batas ang Maharlika Investment Fund. | ulat ni Kathleen Forbes