Malapit nang makamit ng Philippine Board of Investments (BOI) ang investment targets nito ngayong taon.
Ito ay matapos ang pagkakaapruba ng P698 bilyong halaga ng investments na kinabibilangan ng 155 na proyekto, para sa unang bahagi ng 2023.
Ang numerong ito ay katumbas ng 203 percent na paglago mula sa P230 billion na halaga ng investments noong parehong panahon ng nakalipas na taon.
Matapos ang isinagawang European investment roadshow, muling iginiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ang kanyang commitment na gawin ang Pilipinas bilang top investment destination sa Asya.
Sa naitalang mga investment sa unang bahagi ng 2023, 60 percent ang mula sa foreign investments na katumbas ng P423 billion habang nasa P275 billion naman ang mula sa domestic investments.
Karamihan sa mga foreign investment ay nagmula sa Germany (P393 billion); sumunod ang Singapore (P16.8 billion), the Netherlands (P3.57 billion); France (P2.04 billion); at United States of America (USA) (P1.9 billion).
Inaasahan ng BOI, na magpapatuloy pa ang pagpasok ng mga mamumuhunan sa buong taon ng 2023. | ulat ni Nimfa Asuncion