Pormal na isasalin ni outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang pamunuan ng Sandatahang Lakas kay Philippine Army Chief Lieutenant General Romeo Brawner ngayong hapon.
Ang Change of Command and Retirement Ceremony sa Camp Aguinaldo ay inaasahang pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang panauhing pandangal.
Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng Defense Press Corps sa bisperas ng kanyang pagbaba sa pwesto, sinabi ni General Centino na “fulfilled, contented, satisified and happy” siya na iwanan ang serbisyo ngayong nagampanan niya na ang kanyang papel bilang miyembro ng militar.
Ipinagmalaki ni General Centino na ipapamana niya kay General Brawner ang isang “disciplined, determined and dedicated Armed Forces” na may kakayahang tumugon sa anumang banta.
Sinabi naman ni Gen. Centino na itinuturing niyang hamon ang kanyang magiging bagong papel bilang Presidential Adviser on the West Philippine Sea, kasabay ng paghahayag ng kumpiyansa na ang kanyang experyensya bilang Chief of Staff ay makatutulong sa kanyang bagong posisyon. | ulat ni Leo Sarne