Magkakaroon ng reorganisasyon sa National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) upang mas epektibong makatugon sa situasyon naturang pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino, nais ng Pangulong Marcos na magkaroon ng “Focus” ang NTF-WPS kaya lumikha ng Office of the Presidential Adviser on the West Philippine Sea, kung saan iluluklok ang heneral.
Sinabi ni Centino na naniniwala ang Pangulo na ang mga napaulat na “incursion” sa West Philippine Sea nitong mga nakalipas na buwan ay maaari sanang naiwasan kung nabigyan ng kaukulang aksyon.
Paliwanag ni Centino, ang NTF-WPS ay binubuo ng ilang ahensya, kung saan kabilang din ang Western Command ng AFP.
Bagama’t wala pa aniyang ispesipikong direktiba ang Pangulo sa kanya bilang incoming Presidential Adviser on the WPS, mismong ang Pangulo ang nagsabi na kailangan magkaroon ng reorganisasyon sa NTF-WPS. | ulat ni Leo Sarne