Sinalakay ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) Inspectorate and Enforcement Division at National Meat Inspection Service (NMIS) ang apat na establisyimento sa Pasay City dahil sa pagtatago ng mga smuggled na karne mula sa China.
Nasabat ng mga awtoridad ang 700 kilo ng mga smuggled na karne ng mga awtoridad sa isang mini-mart sa Barangay 76 at isa pang mini-mart at kalapit nitong restaurant sa Cartimar kung saan nakumpiska ang mga frozen Peking Duck, black chicken, kalapati at iba pang mga karne.
Aabot sa P500,000 ang halaga ng mga nasabat na smuggled na karne.
Samantala, sinalakay naman ng mga tauhan ng DA at NMIS ang Zhendong Food & Roast Duck sa Mabolo Street sa Brgy. 39 na nagbebenta ng mga putahe at chinese delicacy.
Nasabat sa nasabing establisyimento ang nasa 334 kilo ng mga peking duck, rabbit, kalapati, yellow chicken at iba pang mga undocumented na mga karneng baboy gaya ng suckling pig na ginagamit sa paggawa ng cochinillo.
Ayon sa NMIS, mayroong business permit ang mga nasabing establisyimento ngunit wala itong maipakitang mga kaukulang dokumento sa mga nasabat na karne.
Ipinalala ng NMIS na bawal pa rin ang pagaangkat ng mga nabanggit na karne mula sa China bilang pagiingat sa bird flu st iba pang mga sakit. Nakakasira rin umano ang mga smuggled na karne sa lokal na industiya ng poultry at pagbababoy. | ulat ni Gab Humilde