Ilang oras bago idaos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda ang mga pulis na ipakita sa sambayanan na propesyonal ang kanilang hanay.
Ang paalala ay ginawa ng PNP chief sa kanyang isinagawang pag-inspeksyon sa mga naka-deploy na tauhan ng Manila Police District sa Maynila.
Ayon sa PNP chief, binisita niya ang mga pulis na naka-deploy para na rin siguraduhin na ang lahat ng suporta ng NCRPO at Nationa Headquarters ay naipagkaloob sa mga pulis na nagpapatupad ng seguridad sa SONA.
Ayon sa PNP chief, napapanood ng lahat ng Pilipino ang kilos ng PNP, at ngayon ang panahon para ipakita na propesyonal ang lahat ng kanilang pagkilos, nagpapahinga man o sumasagupa sa mga raliyista.
Muling binilinan ni Gen. Acorda ang mga tropa na galangin ang karapatang-pantao ng mga nais magpahayag ng kanilang saloobin, at ipatupad ang maximum tolerance. | ulat ni Leo Sarne