Paiigting pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito sa pagsusulong ng seguridad, soberanya, integridad, at interes ng Pilipinas.
Ito ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro ang maaasahan ng mga Pilipino, sa mga susunod pang taon ng termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng kalihim na hindi hihinto ang pamahalaan sa internal security obligations nito upang mapanatiling tahimik ang lipunan.
Ang pamahalaan aniya ay mananatiling bukas sa lahat ng mga nais magbalik-loob sa gobyerno.
Patuloy at palalakasin rin aniya ang Barangay Development Program, kasabay ng pagtugon sa mga hamong pangkapayapaan katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Bukod dito, palalakasin rin aniya ng Pilipinas ang bilateral at multilateral cooperations nito, maging ang modernisasyon ng depensa ng bansa, na ayon kay Secretary Teodoro ay isa sa mga highlight ng ikalawang SONA ni Pangulong Marcos Jr. ngayong hapon.
“He [President Marcos] will put a stress on effective modernization of our capabilities to deter any form of aggression,” —Secretary Teodoro.
Dagdag pa ng kalihim patuloy rin ang mga hakbang na magpapataas sa morale ng mga kawani na nasa ilalim ng DND.
“Let me once again clarify that the capabilities of the Armed Forces of the Philippines and the defense establishments are not directed towards any country but towards the overall integrity of our security engagements, facilities and capabilities,” —Secretary Teodoro. | ulat ni Racquel Bayan