Patuloy na iniaabot ng administrasyon sa mga Pilipino ang access sa dekalidad na serbisyong medikal.
Kabilang na dito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagpapababa sa presyo ng mga pangunahin at mahahalagang gamot sa 40%.
Habang ang ibang gamot, nasa 90% pa ang ibinaba sa presyo.
Sa ikalawang State of the Nation Address (SONA), binanggit rin ni Pangulong Marcos ang mahigpit na balikatan ng national government, mga lokal na pamahalaan at pribadong sector maging ang PhilHealth, para sa hakbang na ito.
Binanggit rin ng Pangulo ang pinagandang Konsulta Package ng tanggapan kung saan nasa 21 klase ng gamot at 13 laboratory service na ang libreng makukuha ng mga Pilipino.
Naiangat na rin aniya ang bilang ng Konsulta centers sa buong bansa na nasa 2,000 na.
Binanggit rin ng pangulo ang 156 na libreng dialysis sessions mula sa dating 90 sesyon.
Dagdag pa ng pangulo, noong nakaraang taon, nasa higit 3.4 million na Pilipino ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health (DOH).
Habang nagpapatupad na rin aniyang ng mga hakbang ang gobyerno, upang tugunan ang kakulangan ng mga ospital sa mga doktor at nurse. | ulat ni Racquel Bayan