Ipinangako ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pakikiisa nito sa pagtupad ng 2023 energy initiatives ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kahapon.
Sinabi ng NGCP na itutuon nito ang lahat ng kakayahan ng ahensya tungo sa mabilis na pagkumpleto at pagsasagawa ng mga proyekto.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng renewable energy at ang pagtaas ng antas nito sa iba’t ibang mga pinagmumulan ng kuryente sa bansa, planong gamitin ng NGCP ang strategic partnership nito sa State Grid Corporation of China (SGCC).
Gamit ang malalim na kaalaman ng SGCC sa renewable energy integration, umaasa ang NGCP na palalakasin nito ang mga kakayahan ng ahensya para mapabilis ang paglipat sa renewable at sustainable energy sources.
Inuna din ng NGCP ang pagpapabuti ng disaster-resilience o tibay ng grid infrastructure laban sa mga natural na sakuna.
Kabilang sa mga pangunahing prayoridad sa agenda ng NGCP ay ang mabilis na pagkumpleto ng Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) at Stage 3 ng Cebu-Negros-Panay Interconnection Project (CNP3).
Ang parehong proyekto ay bahagyang may kuryente na, at ang MVIP ay tuloy-tuloy sa layunin nitong maging fully-energized na may 450 megawatts (MW) sa ikatlong quarter ng taon.
Upang mapabilis pa ang mga proyektong ito, nanawagan ang NGCP sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na palawigin ang pakikiisa sa bawat proyekto sa pamamagitan ng agarang pagbibigay ng kaukulang permit at angkop na suporta pagdating sa mga isyu ng right-of-way, na dati nang naging hadlang sa maayos na pagpapatupad ng mga programa ng NGCP. | ulat ni Michael Rogas