Nagsagawa ng send-off ang Philippine Army para sa 400 miyembro ng Officer Candidate Course Class 60-2024 sa Army Headquarters sa Fort Bonifacio Taguig kahapon.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, ang pagpapadala ng 400 Officer Candidates sa Training and Doctrine Command, Camp O’Donnell, Sta. Lucia, Capas, Tarlac ang pinakamalaking bilang ng mga Army officer candidate sa PA Officer Candidate School (PAOCS) sa kasaysayan.
Dahil sa pagbabago ng prayoridad ng AFP mula sa Internal Security Operations tungo sa Territorial Defense, kinailangan ng militar na mag-recruit ng mga opisyal mula sa iba’t ibang academic background.
Ang mga future army officer ay mga nagtapos ng apat na taong kurso sa engineering, education, criminology, accountancy, psychology, at iba pang kasanayan.
Ang 400 na nakapasa mula sa 11,000 aplikante ay sasailalim sa isang taong pagsasanay para maging mga ‘future platoon-leader’ ng army.
Sila ay sasailalim sa Integrated Basic Officer Leadership Course, kasama ang Basic Military Training, Officer Training, at Army War Fighting Functions Training. | ulat ni Leo Sarne
📷: Cpl. Josel P Sucayan, OACPA