Nagkaisa ang lokal ng pamahalaan ng Talipao, Sulu katuwang ang AFP, PNP at Ministry of Public Order and Safety sa Bangsamoro Region sa pagbuo ng kasunduan upang ideklara ang Abu Sayyaf Group (ASG) bilang persona non grata sa naturang bayan.
Bahagi ito ng hakbang ng lokal na pamahalaan upang matiyak na wala nang miyembro ng naturang teroristang grupo ang makakaapak pa sa naturang bayan hanggang sa tuluyan na ito maideklarang ASG-free.
Ayon kay PLt Prister Medrano, Officer In-Charge ng Talipao Municipal Police Station, pinirmahan ang naturang kasunduan ng LGU, AFP, PNP at mga punong barangay sa 52 barangay sa aktibidad na isinagawa sa Talipao Municipal Gym.
Habang, may 14 naman aniya ang sinadya nila sa kani-kanilang lugar matapos isagawa ang clustered na pagpupulong ng mga ito kaugnay sa naturang usapin.
Umaasa si Medrano na ngayon may kasunduan na ay magkakaisa ang lahat ng mga mamamayan sa pagbabantay ng kani-kanilang lugar upang matiyak na hindi sila mapasukan ng ASG.
Kung sakali aniya, dapat ay pagtulungan nilang paalisin dahil maaari sila maharap sa kaukulang kaso base sa pinirmahan nilang kasunduan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.| ulat ni Fatma Jinno| RP1 Jolo