‘Optimistic at resolute.’ Ganito inilarawan ni Senador Jinggoy Estrada ang naging state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Labor, ikinatuwa ni Estrada ang pagbibigay pansin ng Pangulo sa pagpapabuti ng employment opportunities para sa mga Pilipino, at sa pagkakaroon ng mas mainam na working environment para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Iginiit ng senador, na ang pamumuhunan sa mga imprastraktura at pagpapanatili ng isang eco-friendly environment ay makakatulong sa paggawa ng trabaho, at pagpapabuti ng buhay ng bawat isa sa mga Pilipino.
Samantala, hindi man aniya nabanggit ang mga issue na may kinalaman sa West Philippine Sea ay sinabi ng Senate Committee on National Defense Chair, na malinaw pa ring nakatuon ang kasalukuyang administrasyon sa pakikibahagi sa diyalogo at mapayapang pagresolba sa mga haharaping hamon sa seguridad ng bansa.
Ikinagalak rin ng mambabatas na madinig na ang ilan sa mga legislative agenda ng president, na naka-align sa mga panukalang isinusulong niya sa Mataas na Kapulungan gaya ng internet connectivity, digitalized government services, at iba pa. | ulat ni Nimfa Asuncion