Kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilang na ang araw ng mga smuggler at hoarders sa kanyang SONA kahapon, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na inihahanda na ngayon ang kaukulang kaso laban sa mga ito.
Sa panayam, sinabi ni Bersamin na tukoy na nila ang mga nasa likod ng pagpupuslit ng mga kontrabando gayundin ang mga responsable sa pang-iipit; partikular na sa ilang mga produktong pang-agrikultura na siyang naging dahilan ng kakapusan at pagtaas sa presyo ng mga ito kamakailan.
Gagawin aniya nila ang paghahabla sa lalong madaling panahon laban sa mga smuggler at hoarder, na sa mga nakaraang imbestigasyon ay lumutang na rin at nabanggit sa mga pagsisiyasat.
Kanila aniyang panghahawakan ani Bersamin ang mga ebidensiyang nakalap ng kanilang intelligence group.
Tiniyak naman ni Bersamin, na magiging matibay ang mga ipipresintang ebidensiya laban sa kanilang mga idedemandang personalidad, at patuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang pangangalap ng ebidensiya. | ulat ni Alvin Baltazar