Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iba’t ibang railway projects ang nasimulan sa buong bansa sa unang taon ng kaniyang administrasyon.
Sa ikalawang State of the Nation Address ng Pangulo kahapon, sinabi nito na mahigit 1,000 kilometro na railway project ang nasimulan na.
Kabilang dito ang 853 kilometro na PNR North Long Haul Project, 100 kilometro na Panay Railway Project, 54 kilometro na North Mindanao Railway Project at ang 17 kilometro na San Mateo Railway Project.
Kasabay nito ay ibinida rin ng Pangulo ang iba pang mga big-ticket project ng pamahalaan.
Aniya, dapat magkakadugtong ang mga kalsada, tulay, at mass transportation system sa bansa na mahalaga para sa ekonomiya, agrikultura, turismo, at negosyo.
Kaugnay nito sinabi naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mayroon ng pondo ang mga nabanggit na proyekto para masimulan ang feasibility studies.
Ayon kay Bautista, nagpapatuloy ang procurement para sa mga consultancy firm na bubuo ng feasiblity studies ng naturang railway projects ng administrasyong Marcos.| ulat ni Diane Lear