Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mahigpit na pagpapatupad ng mga βpreventive security measuresβ matapos ang dalawang magkasunod na pananambang sa mga politiko.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Colonel Red Maranan, kasama rito ang paglalatag ng checkpoints, paghahain ng warrants of arrest sa mga wanted suspect, at pagsisilbi ng search warrants sa loose firearms.
Inatasan din aniya ni General Azurin ang PNP Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin ang anti-carnapping operations at istriktong paghuli ng mga sasakyan na gumagamit ng ilegal na plaka.
Matatandaan na nitong Biyernes, sugatan sa pananambang si Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. at ang isa niyang tauhan sa Kalilangan, Bukidnon habang patay naman ang apat nitong kasama, kabilang ang tatlong pulis.
Habang nitong Linggo naman nasawi ang vice mayor ng Aparri, Cagayan na si Rommel Alameda at limang iba pa sa Sitio Kinacao, Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya. | ulat ni Leo Sarne