Tumaas pa lalo ang bilang ng mga pamilyang inilikas sa lalawigan ng Cagayan dahil sa hangin at pagbahang dulot ng bagyong #EgayPH sa probinsya.
Batay sa talaan ng PDRRMC, hanggang kaninang alas 11:00 ng umaga, nasa mahigit 4,000 pamilya na ang nailikas sa probinsya na may kabuuang mahigit 16 libong katao.
Ang mga ito ay mula sa 212 barangays ng 23 na apektadong bayan.
Ayon kay PDRRMO head Ruelie Rapsing, inaasahang tataas pa ito lalo at may mga LGU na ang humingi ng tulong sa PDRRMC para ilikas ang mga residente sa kanilang barangay partikular na sa Abulug dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Abulug- Pamplona River.
Sa pagtaya ng mga ito, inaasahang tataas pa lalo ng mabilisang tubig na bumababa doon.
Sa ngayon, wala pa silang natatanggap na report hinggil sa sitwasyon sa Fuga Island sa Aparri na siyang lugar kung saan nag-landfall ang bagyo, dahil sa hirap sa komunikasyon.
Umaabot sa mahigit 200 ang bilang ng mga residente doon.| ulat ni Dina Villacampa| RP1 Tuguegarao