Aktibo sa humanitarian and Disaster relief Operations (HADR) ang 5th Infantry Division ng Philippine Army sa mga lugar sa Northern Luzon na sinalanta ng bagyong Egay.
Bago pa man nag-landfall ang bagyo kahapon ay nag-pre-position na ang 98th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division kasama ang Local Government Unit ng Conner, Apayao, at Office of the Civil Defense ng mga relief supply na ipinamahagi sa mga biktima ng Egay.
Habang ang mga tropa naman ng 17th Infantry Battalion, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Cagayan ay nagtulungan kahapon sa road clearing operations sa lalawigan matapos manalasa ang bagyo.
Tinulungan din ng mga tropa ng 17IB, ang Philippine National Police (PNP), at
Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng mga family food pack sa mga apektadong pamilya sa lugar.
Binati naman ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff at Philippine Army Chief General Romeo Brawner ang mga HADR teams ng Philippine Army sa kanilang maagap na pagresponde sa mga biktima ng kalamidad. | ulat ni Leo Sarne
📸: 98IB and 17IB, 5ID