Nakataas ang heavy rainfall warning sa Metro Manila at ilang lugar sa Luzon dahil sa nararanasang patuloy na pag-ulan na dulot ng Habagat at Bagyong Egay.
Sa inilabas na rainfall warning ng PAGASA, kaninang alas-8 ng umaga, umiiral ang yellow rainfall warning sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, at ilang bahagi ng Batangas (Nasugbu, Calatagan, Lian, Tuy, Balayan, Calaca, Laurel, Lemery, Talisay, Agoncillo).
Dahil dito, pinag-iingat rin ang mga residente na nakatira sa flood-prone areas na maging alerto sa posibilidad ng mga pagbaha.
Mahina hanggang katamtamang ulan na minsan ay may kalakasan din ang nakakaapekto sa Tarlac, Nueva Ecija, Quezon(General Nakar, Infanta, Real), at sa nalalabing bahagi ng Batangas na tatagal ng hanggang 3 oras. | ulat ni Merry Ann Bastasa