Ibinilin ni Armed Forces of The Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner sa mga tropa ng First Scout Ranger Regiment (FSRR) ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapusin ang New People’s Army (NPA) sa loob ng taong ito.
Ito ay matapos pangunahan ang pagluklok sa bagong commander ng FSRR na si Colonel Isagani O. Criste, sa isinagawang Change of Command Ceremony ng FSSR sa Camp Pablo Tecson sa San Miguel, Bulacan kahapon.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Gen. Brawner ang FSRR sa kanilang malaking kontribusyon sa tactical at strategic victory laban sa NPA kabilang na ang nutralisasyon ng mga high value terrorist target.
Sinabi ni Brawner, na malaking hamon ang iniatas ng Pangulo dahil mas mahirap hanapin ang iilan nalang sa natitirang NPA.
Pero inaasahan niya na gagawin ng mga Scout Ranger ang lahat para magtagumpay sa kanilang misyon. | ulat ni Leo Sarne