Mga hakbang ng Bureau of Customs para labanan ang smuggling, inilatag

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nangako ang Bureau of Customs (BOC) na kanila pang palalakasin ang mga hakbang upang mapanagot sa batas ang mga mapatutunayang sangkot sa smuggling.

Ito ang tinuran ng BOC sa kanilang opisyal na pahayag kasabay na rin ng paglalatag nito ng kanilang mga hakbang upang masupil ang problema.

Tugon ito ng Customs, bilang pagsuporta na rin sa mga nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matuldukan na ang problema ng pagpupuslit ng mga produkto sa bansa.

Sinabi pa ng BOC, na palalakasin pa nila ang paggamit ng mga mekanismo upang malantad ang iregularidad sa pagpapasok ng mga produkto sa pamamagitan ng technical targeting at fraud detection, bago at pagdating ng mga ito.

Dagdag pa ng Customs, mamumuhunan din sila ng mga dagdag pang kagamitan gayundin ang pagpapahusay sa kakayahan ng kanilang mga tauhan, upang mapalakas ang data gathering at intelligence information maging ang pagpapatupad ng batas.

Tiniyak din ng BOC, na kanilang palalakasin ang ugnayan sa iba pang lokal at dayuhang awtoridad kasama na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Food and Drug Administration, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at International Criminal Police Organization. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us