Suportado ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan ang plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na bigyan ng amnestiya ang mga rebeldeng magbabalik-loob sa gobyerno.
Matatandaan na sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr. ay sinabi nito na maglalabas siya ng isang proklamasyon para sa pagbibigay ng amnestiya sa mga rebel returnee.
Ayon kay Libanan, isa itong magandang hakbang para sa tuluyang paghilom ng bansa.
“Forgiveness is necessary in conflict resolution. We are in full favor of the President’s amnesty plan. It is an act of grace that will help heal the nation,” ani Libanan.
Ipinunto ni Libanan, na batay sa Article VII, Section 19 ng 1987 Constitution, magiging epektibo lamang ang presidential amnesty proclamation kapag sinang-ayunan ito ng nakararaming miyembro ng Kongreso.
Oras na mapagkalooban ng amnestiya ay mabubura ang mga kasong maaaring kaharapin ng mga ito dahil sa pag-aaklas laban sa gobyerno. | ulat ni Kathleen Forbes