Dalawang mambabatas ang mabilis na tumugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang Tatak Pinoy Bill.
Matatandaan na isa ang naturang panukala sa 17 priority measures na binanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang SONA.
Sa ilalim ng House Bill 8525 ni Marikina Representative Stella Quimbo at House Bill 8601 ni Quezon Representative Keith Micah Tan, bubuo ng isang komprehensibong Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Strategy (TPS).
Layunin nito na palakasin ang local enterprises sa bansa at isulong ang Filipino brand sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa manpower, infrastructure, technology at innovation, investment, at public fiscal management at government procurement.
Naka-angkla ang TPS sa ilalatag na Philippine Development Plan ng kada administrasyon.
Magtatatag din ng isang Tatak Pinoy Council, na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng TPS.
Pangangasiwaan ito ng National Economic and Development Authority (NEDA) Director General bilang chairperson, Department of Trade and Industry (DTI) at Finance Secretaries bilang vice-chairs.
Kasama rin sa konseho ang kalihim ng Department of Agriculture, Department of Budget and Mangement, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Labor and Employment, Department of Public Works and Highways, Department of Science and Technology, Tourism, Technical Education and Skills Development Authority, Commission on Higher Education, at private sector representatives.
Punto ng mambabatas sa paghahain ng panukala, ngayong epektibo na ang Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP ay mas lalo pa aniya dapat palakasin at protektahan ang local industries, upang makasabay sa pag-unlad at maging globally competitive ang mga produkto ng Pilipinas.| ulat ni Kathleen Forbes