Dapat nang patawan ng preventive suspension o tanggalin sa pwesto ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa smuggling ng mga produktong pang agrikultura ayon kay Senadoral Imee Marcos.
Ang hamon na ito ng senador ay kaugnay na rin sa pagtanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbibitiw ng 18 opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nadawit sa kalakaran ng ilegal na droga at sa banta ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na bilang na ang araw ng smugglers at hoarders sa bansa.
Ayon kay Senador Imee, tukoy naman na kung sino-sino ang mga big-time smugglers sa bansa at may mga intelligence report na rin na susuporta sa mga alegasyon.
Suhestiyon rin ng mambabatas, gaya ng ginawa sa PNP, dapat na ring simulan ang pag-alis sa pwesto at pag-iimbestiga sa mga opisyal ng DA at BOC na sangkot sa smuggling at kung may makitang sapat na ebidensya ay agad na patawan ng kaso.
Pagdating naman sa pagtatalaga ng anti-smuggling czar, ipinauubaya naman ni Senador Imee ang desisyon kay Pangulong Marcos. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion