Umaabot na sa 13 ang mga napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong araw, anim sa naturang bilang ang kumpirmado habang ang pito ay bineberipika pa.
Sa mga nasawi, lima ay mula sa CAR at isa sa Region 6.
Mayroon ding napaulat na 12 nasaktan at 20 na napaulat na nawawala.
Ayon kay Office of Civil Defense Information Officer Diego Agustin Mariano, Hindi pa kasama sa datos ang mga napaulat na nasawi at nasaktan sa insidente ng paglubog ng bangka sa Binangonan, Rizal kahapon dahil kinukumpirma pa kung ang insidente ay may kinalaman sa bagyo.
Samantala, patuloy ding lumolobo ang bilang ng mga apektadong indibidwal.
Sa ngayon, nasa 140,923 pamilya o katumbas ng 502, 728 na indbidwal ang apektado mula sa 1,612 na barangay sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, BARMM at CAR. | ulat ni Leo Sarne