Simula sa Agosto 1 ay balik 100% on-site work na ang House of Representatives.
Sa inilabas na memorandum ng Office of the Secretary General, nakasaad na pisikal nang papasok sa Kamara ang mga empleyado.
Wala na ring work-from home arrangements maliban na lamang kung may mabigat na dahilan at dapat aprubahan ng Secretary General.
Magpapatupad din ng targeted antigen testing kung kinakailangan para sa mga empleyado na kakikitaan ng sakit o sintomas.
Sa Lunes naman July 31, ay balik face-to-face na rin ang pagdinig ng mga komite at sesyon.
Sa hiwalay na memorandum mula sa Office of the Speaker, nakasaad na salig sa Section 71 ng House Rules, kailangan ay pisikal nang dumalo sa sesyon ang miyembro ng Kamara.
Ang electronic attendance at botohan naman sa mga komite ay papayagan lang kung pinahintulutan ng House Speaker ang online committee hearing.
Matatandaan na sa nakalipas na dalawang taon ay nagpatupad ng work-from home arrangements at hybrid meetings at session ang Kamara bilang pagtalima sa health and safety protocols dahil sa COVID-19. | ulat ni Kathleen Jean Forbes