Pinangunahan ni PNP Directorate for Police Community Relations Director PM Gen. Edgar Okubo ang send-off sa Camp Crame ngayong umaga ng PNP Reserve Force na maghahatid ng tulong sa tatlong rehiyon na apektado ng bagyong Egay.
Ang 186 na pulis ng PNP Reserve Force ay bibiyahe ng tatlong araw sa Region 1, Region 2 at Cordillera Administrative Region para mamahagi ng relief goods at tumulong sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR) Operations.
Mahigit sa dalawang milyong pisong halaga ng relief goods ang ipinadala ng PNP para sa mga biktima ng bagyong Egay.
Ang naturang relief goods ay kinabibilangan ng bigas, delata, tubig at iba pa.
Una na ring binati ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr. ang mga pulis sa mga rehiyong apektado ng bagyo sa kanilang aktibong partisipasyon sa HADR Operations. | ulat ni Leo Sarne