Nagtungo si DSWD Sec. Rex Gatchalian sa lalawigan ng Ilocos Norte ngayong araw para personal na i-monitor ang ongoing na relief operations sa mga apektado ng kalamidad.
Dito, nakipagpulong ang kalihim kay Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc kung saan ito binigyan ng briefing sa sitwasyon ng lalawigan na ngayon ay nasa ilalim na ng state of calamity.
Pinangasiwaan din ng mga opisyal ang pamamahagi ng family food packs (FFPs) at non-food items sa mga evacuee sa barangay ng Cabugaan South, Zamboanga, at Araniw sa Laoag City.
Agad namang inatasan ni DSWD Sec. Gatchalian ang Disaster Response and Management Group (DRMG) na magpadala pa ng karagdagang 20,000 FFPs sa lalawigan.
“Let’s dispatch whatever it takes. Have your service providers dispatch now the requested food packs by the concerned regions,” DSWD chief.
Bukod sa family food packs, tiniyak rin ng kalihim na magpapatupad ang kagawaran ng cash-for-work program para sa mga apektadong residente.
Tatagal ito ng isang buwan na magbibigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga biktima ng kalamidad.
Sa ngayon ay hinihintay nalang aniya ng DSWD ang listahan ng mga magiging beneisyaryo nito sa tulong ng LGUs.
Handa rin ang DSWD na magpatupad ng emergency cash transfer (ECT) para sa mga residenteng nasira ang tahanan dahil sa Super Typhoon Egay.
Sa pinakahuling report ng DSWD FO-1, nasa 2,748 pamilya o katumbas ng 8,875 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Egay sa lalawigan ng Ilocos Norte. | ulat ni Merry Ann Bastasa
: DSWD