Sen. Cayetano, nanawagan sa mga kapwa senador na makipag-usap muna kay PBBM bago gumawa ng agresibong aksyon sa West Philippine Sea

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nanindigan si Senador Alan Peter Cayetano na dapat munang ipagpaliban ng Senado ang pagpapasa ng resolusyon na hihiling na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) habang hindi pa nalalaman ang diskarte ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa WPS.

Ito ang paliwanag ni Cayetano sa kanyang intensyon sa hindi pagsang-ayon sa agarang pag-apruba ng Senate Resolution 659.

Iginiit ng senador na hindi niya pinipigilan ang mga senador na ipasa ang resolusyon kundi hinimok lang sila na magsagawa muna ng malalimang pagdinig sa komite bago pangunahan ang magiging aksyon ng Punong Ehekutibo.

Ipinunto ng mambabatas na malinaw sa Supreme Court Ruling na ang nagdedesisyon ng istratehiya sa foreign affairs ay ang Presidente ng bansa at sa usaping ito ay hindi pa nila napakikinggan ang panig ng Pangulo.

Nilinaw ni Cayetano na kaisa siya ng mga senador at mga mamamayang Pilipino sa pakikipaglaban para sa karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo. Pero nababahala siyang magreresulta sa hindi maganda kung dadalhin ang usapin sa UNGA.

Mungkahi ng senador, mas mainam na bilateral approach ang pairal sa isyu sa WPS, kung saan mag-uusap ng one-on-one ang Pilipinas at China. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us