Hiningan ng report ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa pinsalang naidulot ng bagyong Egay sa buong Ilocos Region.
Sa situation briefing, sinabi ng Pangulo na kahit hindi pa pinal ang report dahil inaasahang tataas pa ang datos ng mga recorded damages ay nais niya ng makuha ang ulat sa pinsala sa irigasyon, imprastraktura, mga kalsada gayundin sa mga nawasak na kabahayan.
Kaugnay nito’y sinabi ng Pangulo na kanyang pakikilusin ang Department of Human Settlement and Urban Development para tugunan ang naging damages sa mga kabahayan.
Base sa report ni Ilocos Norte Governor Matthew Manotoc, nasa 1,281 mga kabahayan ang partially damage at nasa 96 ang completely damaged sa kanilang lalawigan.
Patungkol naman sa nasira sa irigasyon, nasa P500 million aniya ang halaga ng pinsalang nakita sa buong Ilocos Region at sa Ilocos Norte pa lang ay mangangailangan na ng P400 million para sa repair. | ulat ni Alvin Baltazar