Wala pang aksyon ang insurance provider ng motorbangka na nasangkot sa trahedya sa Binangonan, Rizal.
Sa impormasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA), nakikipag-negosasyon pa ang mga opisyal ng TIPMOPA o Talim Island Passenger Motorboat and Patron Association sa insurance company.
Hindi pa umano tinatanggap ng insurance company ang anumang claim at wala pang impormasyon na may binayaran na sa mga biktima.
Sa ngayon, ang pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang nangako ng tulong pinansiyal para sa pamilya ng mga biktima sa pagtaob ng MB Aya Express.
Kasabay nito, tiniyak ng MARINA na mabigat na parusa ang haharapin ng kapitan ng motorbanca na lumalabas na walang balidong lisensiya.
Nauna nang nakipagpulong ang MARINA sa mga kinatawan ng TIPMOPA para tugunan ang insidente na ikinasawi ng 27 katao at harapin ang iba pang reklamo ng grupo. | ulat ni Michael Rogas