Nanawagan si Finance Secretary Benjamin Diokno sa mga ahensya ng gobyerno na magkaroon ng “catch-up plan” ngayong bagsak ang paggasta ng bansa sa unang semestre ng taon.
Ayon kay Diokno, hindi siya masaya sa maliit na deficit dahil hindi nakakamit ng bansa ang ‘expenditure target’.
Kaya naman pakiusap ng kalihim sa government agencies, kailangan ng “catch up plan” dahil sa underspending.
Paliwanag niya, taon-taon ang pagtaas ng budget ngunit hindi nakakasabay ang mga ito sa dapat na paggastos sa mga nakalinyang mga proyekto at programa.
Ginawa ni Diokno ang pahayag kasunod ng report ng Bureau of Treasury na pagbaba ng government budget deficit ng 18.17% year-on-year dahil bumaba ang actual expenditures sa target disbursement.
Aminado naman si Diokno na maraming ginawang pagbabago sa budget ang Kongreso para sa mga bagong proyekto at karamihan dito ay wala pang feasibility study, engineering, kaya hindi pa ito nasisimulan at may mga procurement delays. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes