Tiwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na babagal pa ang usad ng inflation o sukatan sa presyuhan ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa mga susunod na buwan.
Ayon kay BSP Gov. Eli Remolona Jr, nananatili pa ring hamon ang inflation at inaasahang naabot na nito ang rurok ngayong taon.
Batay naman sa July 2023 projection ng BSP, nakikita nilang babagal pa mula 4.1 hanggang 4.9 percent ang inflation dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng karne, prutas at isda.
Idagdag na rin diyan ang naitalang rollback sa presyo ng Liquified Petroleum Gas o LPG gayundin ang patuloy na pagsigla ng piso kontra dolyar.
Gayunman, naitala naman ang pagtaas ng presyo sa ilang mga produkto tulad ng gulay, bigas at langis.
Patuloy namang babantayan ng BSP ang mga development na siyang makaaapekto sa outlook o pagtaya nila hinggil dito. | ulat ni Jaymark Dagala