Patuloy na naitatala ang pagkakaroon ng ashing events o paglabas ng abo sa bunganga ng Bulkang Mayon simula pa nitong Lunes.
Nakapagtala ng 57 ashing events ngayong araw na nagtagal ng 30 segundo hanggang isang minuto at 17 segundong haba.
Mas matagal ito kumpara kahapon na mayroon lamang isang ashing events na tumagal ng 17 segundo.
Samantala, hindi na rin naitatala ang pagkakaroon Pyroclastic Density Current (PDC) events ngunit mataas pa rin ang ipinapakitang volcanic earthquakes at rockfall events ng bulkan.
Mapapansin ring humahaba ang daloy ng inilalabas na lava mula sa crater na umaabot na sa 3.4 km.
Ayon kay Albay Resident Volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na si Dr. Paul Alanis, bagama’t nawala aniya ang pagkakaroon ng PDC ay hindi pa rin ito indikasyon para ibaba ang alert status ng bulkan.
Dagdag niya, mataas na aktibidad pa rin ang ipinapakita ng bulkan lalo pa at naglalabas na ito ng abo.
Sa ngayon, nananatiling nasa alert level 3 ang Bulkang Mayon at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km permanent danger zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay