Pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Incorporated (FTI) dahil sa pagbili ng mga sibuyas para sa Kadiwa Food Hub project.
Sa inilabas na kautusan ni Ombudsman Samuel Martirez, sinuspinde sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, Administrative Officer Eunice Biblanias, DA Officer-in-Charge Chief Accountant Lolita Jamela, FTI Vice President for Operations John Gabriel Benedict Trinidad III at Budget Division Head Juanita Lualhati.
Batay sa record, pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang DA at FTI para sa Food Mobilization o Kadiwa Food Hub Project habang ang bansa ay nahaharap sa kakulangan ng suplay ng sibuyas noong nakaraang taon.
Pagkatapos, ang FTI ay pumasok naman sa isang Letter of Agreement sa Bonena Multi-Purpose Cooperative para sa delivery ng 8,845 bag ng sibuyas.
Ang ginawa ng mga nasabing opsiyal ay paglabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Act. dahil sa kakulangan ng mga parameter sa pagpili ng kooperatiba.
Kinuwestyon din ng Ombudsman ang advance payment na 50% sa contract price, ang hindi pagsunod sa MOA, bahagyang pagpapatupad ng kontrata, at kaduda-dudang pag-deliver ng Bonena. | ulat ni Rey Ferrer