Nagtakda ang lokal na pamahalaan ng Iloilo City ng bagong limitasyon sa oras ng pagbebenta o pagsisilbi ng alak sa bars, restobars, at night establishments sa lungsod.
Sa ilalim ng bagong Executive Order (EO) na ipinalabas ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas nitong Miyerkules, papayagan na ang pagsisilbi ng alak sa mga bars sa lungsod mula alas 8 ng umaga hanggang alas 4 ng madaling araw.
Nilinaw naman ng alkalde na tanging mga miyembro lang ng Iloilo Bar Owners Association (IBOA) at mga establisyemento na nagsagawa ng Affidavit of Undertaking ang makasusunod sa mas maluwag na limitasyon sa oras ng pagbebenta ng alak.
Ang Affidavit of Undertaking na pinirmahan ng mahigit 40 mga bar owners at bar managers ng IBOA ay naglalatag ng commitment at pangako ng mga miyembro na susunod sila sa mga batas, executive orders, at mga issuances ng lokal na pamahalaan at ng gobyerno. Kailangan rin nilang sumalalim sa mga trainings ang mga bouncers at mga tauhan ng mga bars at restobars.
Samantala, mananatili naman ang limitasyon sa pagsisilbi ng alak mula alas 8 ng umaga hanggang alas 12 ng hating gabi sa mga bars na hindi miyembro ng IBOA at hindi nakapasa ng Affidavit of Undertaking.
Ipinag-utos ng alkalde ang pagpapatupad ng regulasyon sa pagbebenta ng dahil sa pagtaas ng insidente ng kaguluhan sa mga bars at restobars sa lungsod. | via Emme Santiagudo| RP1 Iloilo