Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na ipinagharap nila ng reklamong syndicated estafa ang may-ari ng lumubog na MB Aya Express na tumaob sa katubigang sakop ng Laguna de Bay sa Binangonan, Rizal noong isang buwan.
Ayon kay PCG Spokesperson, RAdm. Armand Balilo, ito’y dahil sa panlilinlang at pandaraya ng may-ari ng MB Aya Express dahil sa pakiki-alam nito sa operasyon ng operator at pangongolekta ng pera.
Maliban sa may-ari ng naturang motorbanca, dawit din sa reklamo ang kapitan nito gayundin ang mga opisyal at miyembro ng Talim-Island Motorboat and Patron Associations (TIPMOPA) dahil sa ginawa nilang pandaraya at maling representasyon.
Ginawa ng Coast Guard ang paghahain ng reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor ng Taytay sa Rizal kaninang ala-1:30 ng hapon.
Magugunitang 27 ang nasawi habang 41 ang nakaligtas sa naturang trahedya, isang araw matapos lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong #EgayPH sa bansa.| ulat ni Jaymark Dagala